“Spratlys” at suberanya

11 May 2012

Ngayon aminin ko na wala akong alam masyado sa mga detalye tungkol sa kasalukuyang alitan ng Filipinas at ng Republikang Bayan ng Tsina (RBT o “People’s Republic of China”) tungkol sa Spratlys, partikular sa babaw (“shoal”) ng “Scarborough” o Panatag. Ang sasabihin ko lang dito ay ang panganib na dala ng mga panggigipit ng RBT.

Ang pangunahing panganib na dala ng mga nakalipas na aksyon ng “Tsina” ay hindi ang pwersahang pag-angkin nito ng mga teritoryo na kasalukuyang pinag-aawayan ng mga sangkot na bansa. Kung tutuusin, ang panganib ay hindi lang sa mga aksyon sa Spratlys. Kasama rin ang ngayo’y malaking impluwensiya ng “Tsina” sa mga ugnayang pang-ekonomiya (“economic affairs”) ng mga karatig bansa nito sa Asya, mula Burma hanggang Filipinas – kahit na rin sa mga medyo mas angat na mga ekonomiya tulad ng Hapon at Timog Korea – kundi man sa mga ugnayang pulitikal (“political affairs”) nito. Mula nang umangat ang ekonomiya ng RBT simula mga dekada 90 dala ng mga repormang pinatupad ng Partido Komunista nito noong mga huling taon ng dekada 70, ang impluwensiya nito sa kalakarang ekonomiko at pulitikal ng daigdig at lalo sa mga bansang malapit nito ay naging malaki. Pangahas ko itong sasabihin, ang “Tsina” ngayon ay ang Hapon noong ika-19 hanggang ika-20 siglo bago 1945. Sinumang bansa sa silangang Asya na nagmamahal sa sariling suberanya’t kasarinlan ay kailangang maging maingat ngayon sa kapangyarihang kasalukuyang hawak ng Republikang Bayan.

Ang nakataya sa tungggalian sa Spratlys, sa away ng Filipinas at RBT sa Panatag – bukod sa isyu ng teritoryo na maaaring pag-usapan lang sa pagitan ng magkapantay na mga bansa – ay ang pangangailangan na pigilin ang pagkalat ng kapangyarihan ng isang estadong hanggang ngayo’y may konsiderableng hawak sa mga taong nakatira sa loob nito. Huwag nating bigyang katuwiran ang diktadurya.