Ang kahalagahan ng pampublikong paghihimpapawid para sa Filipinas

12 Jun 2013

Mula sa squidoo.com

Ngayon ay isa na namang anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Pilipinas ni Pang. Emilio Aguinaldo noong 1898. Maraming mga maaaring sabihin ukol sa kalagayan ng kalayaang Filipino ngayon. Nandyan ang kadalasang sinasabi na kalayaang pormal ngunit dominasyong kolonyal sa pulitika, ekonomiya at kultura. Nandyan din ang banta ng rehiyonalismo at pagkalalawiganin sa pagkakaisa ng bansa, at isang balakid sa tuluyuang kaunlaran. Napag-uusapan din naman ngayon ang banta ng Republikang Bayan sa Spratlys/Kalayaan bilang pagsubok at ang pag-unlad ng ekonomiya bilang tanda ng kasarinlan ng Filipinas. At siyempre, hindi rin mawawala ang tungkol sa dominasyong ng iilang pamilya sa pulitika, ekonomiya, lipunan at kahit kultura sa Sangkapuluan.

Isa na rito ang larangan ng pamamahayag at panghihimpapawid.

Hindi po kaila sa mga Filipinong walang mga milyon na ang mga pahayagan at karamihan sa mga istasyon ng radyo at telebisyon ay pribado. Hawak ng iilang mga pamilya o tao ang mga nangungunang istasyong radyo at telebisyon – nangunguna diyan ang mga Lopez at ABS-CBN, ngunit hindi rin maitatanggi ang mga Gozon sa GMA-7 o si Manny Pangilinan sa TV5. Ang ultimong pagtatanggol sa pagkakaroon ng mga istasyong pribado ay kumpetisyon, nababagay sa sistema ng malayang kalakalan, maraming mga tinig dulot ng maraming mga istasyon. Ngunit alalahanin po natin na ang pinaka-hangarin ng mga may-ari ng mga istasyong ito ay pagkita ng salapi, isang hangarin na pinaghahati ng bawat kumpanyang panghihimpapawid. Anumang “marami” at nagkakaibang tinig na nadudulot ng maraming mga istasyon ay katunaya’y “iisang” tinig na nakakalat sa iba’t ibang mga istasyon. Parehong uri ng mga umagang palabas, tanghaliang palabas, mga teleserye sa hapon at gabi ang napapanood sa ating mga TV. Parehong uri ng tugtugin din ang naririnig sa ating mga radyo. Pagkita ng salapi ang pangunahing layunin ng pribadong istasyon ng TV at radyo, at ang paghahain ng mga palabas na ang tanging atas ay aliwin tayo mula sa ating kasalukuyang sitwasyon ang pangunahing paraan para matamo iyon.

Ngunit maaari mong sabihin, hindi rin ba nakaatas sa mga pribadong istasyon ang pagbibigay ng lingkod-publiko? Hindi ba ito nakikita sa mga serbisyong pampublikong bahagi ng mga alas-6 na mga balita? Hindi ba may mga palabas sa radyo at telebisyon na nakaukol sa pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan? Totoo man na ginagawa ito ng mga istasyon, kahit na may mga taos-pusong layunin ang mga gumagawa nito, tandaan na ang pagsuporta sa istasyon – na maraming mga tao ang may utang na loob sa kanila para sa kanilang ginhawa’t kabuhayan – ay isang bunga ng pagbibigay-tulong.

Tandaan din na kasama sa pampublikong serbisyo ang pagbibigay kaalaman sa madla tungkol sa iba’t ibang mga bagay, tungkol man sa kasaysayan, sining, o sa mga alternatibong pananaw sa buhay. At sa larangang ito’y lubhang mababa ang grado ng mga pribadong istasyon. Ang ganitong klase ng mga programa’y kadalasang bumabagsak sa mga oras na halos walang makakanood ‘liban lang sa mga puyat.

Sa madaling salita, hindi “buong” mabibigay ng mga pribadong istasyon ang serbisyong pampubliko na kailangan ng mga mamamayan ng Filipinas.

Ang tanging paraan para rito ay ang pagkakaroon ng isang pampublikong istasyong radyo at telebisyon sa Filipinas.

Una sa lahat, hindi po matatawag ang PTV-4 at PBS (Philippine Broadcasting Service) na mga pampublikong istasyon sapagkat sila’y mga ahensiya ng pamahalaan kung tutuusin, pinapalabas ang gustong ipalabas ng pamahalaan, kahit na may mga tungkulin sa publiko at kawalang kinikilingan rin ang mga ito. Ang ibig kong sabihin ng pampublikong istasyon ay ang tulad sa BBC sa Britanya, NHK sa Hapon o RTVE sa Espanya. Hindi sangay ng pamahalaan ang pampublikong istasyon o korporasyong panghimpapawid. May sariling itong pinagkukunan ng pondo na maaaring manggaling sa anumang direksyon, mula man sa pamahalaan, espasyo para sa patalastas, o sa mga lisensya sa mga radyo’t TV tulad sa Britanya. May kasarinlan ito pagdating sa pamamahayag at pagpapalabas. At higit sa lahat, hindi salapi o pagkakaroon ng maraming manonood ang layunin ng pampublikong korporasyong panghimpapawid, kundi ang interes ng bayan. Tulad ng motto ni John Reith, ang unang direktor-heneral ng BBC, “magturo, magpaalam, mang-aliw.” Tungkulin ng pampublikong istasyon ang magbigay-alam tungkol sa mga bagay na hindi kadalasang maririnig sa mga pribadong istasyon. Tungkulin din ng pampublikong istasyon ang pagkakaisa ng bansa at pagbibigay-tinig sa mga minoriyang bahagi ng lipunan.

Ngayong Araw ng Kalayaan, tandaan po natin na hindi lang pulitika at ekonomiya ang naghihintay ng kalayaan. Makikita rin ito sa mga bagay na hindi natin kadalasang binibigyan ng madiing pagtingin. Tulad sa ating mga pinapanood at pinakikinggan.


Pagkatapos ng halalan…

26 May 2013

Naipahayag na ang mga nagwagi, tinaas na ang kanilang mga kamay. May mga susunod sa proclamacion ng kumisyon. Meron namang maghahain sa mga hukuman ng mga kaso ukol sa mga bagay tulad ng pagbili ng boto, problema sa bilangan, problema sa PCOS, kuryente at kung anu-ano pa. Tiyak na mangyayari pagkatapos ng eleksyon ang paglilinis at pag-aalis sa dami-daming mga basurang dinikit sa mga dingding, sinabit sa mga linya ng kuryente, mga pinamahaging “sample ballot” at iba pa na ngayo’y wala nang silbi. Unti-unting hihina ang pag-uusap sa media tungkol sa halalan, kahit hindi mawawala ang pag-uusap tungkol sa pulitika. Ilang linggong lilipas bago manunumpa sa kanilang mga pwesto ang mga dineklarang nanalo.

At habang nangyayari ang mga ito at pagkatapos nito, mananatili ang mga basura sa kanilang kinaugaliang kinalalagyan. Maraming mga basura pa ang matatambak sa kung saan-saan. Patuloy ang trabaho ng mga nasa “call center” at ng mga nasa ibang bansa. Patuloy si manong sa kanyang pamamasada, sa paglilinis ng mga daan, o sa pagtitinda sa pamilihan. Patuloy ang pagtatayo ng mga panibagong gusali atbp. sa Kamaynilaan at sa mga lalawigan. Patuloy ang pagproprotesta. Patuloy ang contractualizacion. Patuloy ang pagdating ng mga bagyo at pagbuga ng mga bulkan, at ang mga kaakibat nilang sakuna. Patuloy ang mga pulis sa kanilang legal at di-legal na mga gawain. Gayundin sa mga ibang naglilingkod sa lahat ng mga sangay at antas ng pamahalaan. Patuloy ang mga pagpatay, sa ngalan ng pulitika o di-maipaliwanag na dahilan, marami hindi malulutas. Patuloy ang mga nangyayari sa Mababa’t Mataas na Kapulungan, nakatutulong man o hindi. Patuloy na mapapanood, maririnig at/o mababasa mo ang tungkol sa buhay artista, pulitiko o “celebrity.” Pati rin ang mga nakatutuwang balita mula ibang bansa. Patuloy ang pagpunta mo sa Facebook o Twitter. Patuloy ang pamamahala – at mga ugong-ugong sa sinong mga tatakbo sa 2016. Patuloy ang sistema na, sa lahat ng mga naging pagbago nito, mababakas sa panahong Amerikano.

Patuloy rin ang paghihintay ng Revolucion.


Dalawang tulang Tagalog

12 Apr 2013

Ang Ating Identidad

Wala sa mga sambahan ni Krishna
Sa mga batong kastilyo ng mga Normando
Sa palda at pipa ng mga Eskose
Sa harang na dambuhala ni Qin Shi Huang
Sa mga hukbo ni Karloman
O paglilingkod ng mga bushi.
Hwarang? Tigilan mo na ako.
Sa mga bandera at awit
Wala rin.
Kahit pa si Atahualpa at Osmano
Walang maambag dito.

Hindi sa espadang pilak
Kundi sa harang ng itak.
Wala sa kariktan ng palacio
Pero sa pagod ng katawan.
Mahalaga man, kalinangan
Sa ating nakaraan at ngayon
Laban at revolucion naging kolumna natin.
Huwag mainggit sa civilizacion
Kontra sakim, pang-aapi, daya
Pagkakilanlang lahat.

Basta’t siguro’y huwag lang
Galing sa naka-“top hat” at mahabang balbas.

Maganda ang Bughaw na Liwanag

Dito sa madilim na silid
Tanging tumatagos sa bintanang tabas
Liwanag na bughaw.

Mga kaloobang dumadaloy
Sa langoy ng dagat.
Sumisingaw na dilim ng paligid.
Bughaw na puno ng kapaguran.
Mga alaalang sana’y ‘di mo pinaghawakan.
Walang alam sa kung ano’ng nasa ibayo
Ng mga bakod at tarangkahan.

Linalangoy, nililipad.
Daloy at lipad ng agos.
Walang katamisan o kagalakan.
Pait at asim
Kinikilabot at tinutunaw
Hatid ng malinaw na dagat,
Mahinahong hangin.
Ngunit.

Hindi makatakas.
Ayaw tumakas.
Suungin ay sariling gusto
Ang sa ilalim ng mga tubig
Sa ibabaw ng mga ihip.
O liwanag, imulat mo sa akin.
Aking dahas, gunaw
Pagnanasa ng katawan, isip, sarili.
Ang iyong asul ay pagpakita
Sa dumi sa puti.
Hindi ilaw, kundi gris,
Kagandahang bahid ng sala.

Sa silid na ito
Tanging bughaw ang madadatnan mo.
Huwag mo siyang katakutan.
Pagninilayan ang salaysay
At kahulugan ng buhay.


Ang digmaan ukol sa wika ng mga may kapansanan

14 Nov 2012

Gasgas na balita ito, at hindi ko alam kung ito’y nawakasan na. Isang laban ang nangyayari ukol sa House Bill No. 6079, na nagtatakda sa Filipino sign language (FSL) bilang pambansang wika ng mga nangangailangan at gumagamit ng wikang-kamay (sign language). Gagamitin ang wika sa mga paaralan, sangay at ahensya ng pamahalaan, media at ibang mga pampublikong gawain na kasama ang mga may kapansanan sa pandinig, kung ipinasa ang nasabing batas. Kinakalaban ito ng mga guro na tinuruan ng American Sign Language (ASL) at Signing Exact English (SEE, na hindi ko narinig noong dati).

Sa ngalan ng nasyonalismo at suporta sa wikang Filipino, suportado ko ang panukalang ito.


Pagdating sa pag-aaral ng mga ibang wika

30 Oct 2012

Panukala ng pamahalaang Australya na pataasin o bigyang-halaga ang pag-aaral ng mga wikang Asyano, tulad ng Mandarin, Hapon at Hindi, sa mga mag-aaral nito bilang bahagi ng paglalalim ng ugnayan nito sa papaunlad na mga ekonomiya sa kontinenteng iyon.

Kung para sa pag-iigting ng ugnayan sa pagitan ng mga bansa, para mas lalong maalam at makilala ng bawat bansa ang isa’t isa, aba’y walang problema.

Pero kung para makisakay at kumita sa kaunlaran ng mga bansang Asyano, aba’y ‘wag na lang.

‘Di bale na gusto ng mga mag-aaral ng mga bansang Asyano na mag-aral ng Ingles.