Sa isang Abenida…

26 Feb 2012

Ako’y lumalakad. Umuulan, at gabi. Tanging itim at puti ang aking nakikitang kulay sa paligid. Siguro kadalasa’y hindi ko pinapansin ang aking mga paligid – liban nga lang sa gabing ito, sa gabi ng aking paglalakad.

Tiningnan ko ang bawat gusali na nasa aking tabi. Sa bawat tabi. Nasabi ko ba sa iyo na lumalakad ako sa gitna ng daan? Ay hindi, hindi naman sa gitna ng mga gusali, aba’y wala na ako kung ganoon. Sa “island”, sa gitnang tuyo kung saan maaaring mamasid, makita ng tao ang kanyang mundo, ang kanyang daigdig kung saan wala siyang kahit anong kinalaman o “role”.

O ginaganap na papel.

Malamig ang hangin, malamig ang gabi. Ako’y hinahabol ng nasa aking likuran, nang mga naiwang kong bagay na hindi ako iniiwan. Sino pa ba sila, sino pa ba?

Ako ba’y pumapatak na ulan sa wala, kawalan? Habang pumapatak ang mga luha sa dilim, ako ma’y patuloy na lumalakad, lumalakbay sa wala.

Tumitingin ako sa mga gusali, sa mga sinehang Art Deco, sa mga gusaling tindahang hindi ko naabot ang simula, pero magkaganon ma’y parang naabutan ko sila. Parang nandun ako nung unang napatayo ang mga iyon. Oo, naabutan ko ang mga iyon. Sila sila na kailanma’y di na alam.

Yung ako’y yayaon, pero ika’y di yayaon, kailanman. Kundi mo ako maiwan, susunod ikaw tulad sa isang kalaguyo, sa isang ka-ibig.

Madilim, ang umaga ngunit ito’y unti-unting umaabot sa akin. Mas lalong pinatingkad ng pagharana ng gitara, ang pagharana ng isang “string” nito, ang aking maalimuyak na gabi. Umuulan muli, sila na hindi pinaiwan ng dilim. Kumawawa, gumimbal ngunit sa huli pinatulog. Humihimbing sa gitna ng daan, sa gitna ng usok at konkreto. Kawawa, sila. Kahit anong mangyari , ako pa ri’y nandiyan.

Ako pa rin ay nandiyan. Hindi mo ba ako maiwan? Yan ang di ko kaya. May limitasyon din ako. Hindi kita maiwan. Kailanman. Sa gitna ng dilim na ito.