Ang kahalagahan ng pampublikong paghihimpapawid para sa Filipinas

12 Jun 2013

Mula sa squidoo.com

Ngayon ay isa na namang anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Pilipinas ni Pang. Emilio Aguinaldo noong 1898. Maraming mga maaaring sabihin ukol sa kalagayan ng kalayaang Filipino ngayon. Nandyan ang kadalasang sinasabi na kalayaang pormal ngunit dominasyong kolonyal sa pulitika, ekonomiya at kultura. Nandyan din ang banta ng rehiyonalismo at pagkalalawiganin sa pagkakaisa ng bansa, at isang balakid sa tuluyuang kaunlaran. Napag-uusapan din naman ngayon ang banta ng Republikang Bayan sa Spratlys/Kalayaan bilang pagsubok at ang pag-unlad ng ekonomiya bilang tanda ng kasarinlan ng Filipinas. At siyempre, hindi rin mawawala ang tungkol sa dominasyong ng iilang pamilya sa pulitika, ekonomiya, lipunan at kahit kultura sa Sangkapuluan.

Isa na rito ang larangan ng pamamahayag at panghihimpapawid.

Hindi po kaila sa mga Filipinong walang mga milyon na ang mga pahayagan at karamihan sa mga istasyon ng radyo at telebisyon ay pribado. Hawak ng iilang mga pamilya o tao ang mga nangungunang istasyong radyo at telebisyon – nangunguna diyan ang mga Lopez at ABS-CBN, ngunit hindi rin maitatanggi ang mga Gozon sa GMA-7 o si Manny Pangilinan sa TV5. Ang ultimong pagtatanggol sa pagkakaroon ng mga istasyong pribado ay kumpetisyon, nababagay sa sistema ng malayang kalakalan, maraming mga tinig dulot ng maraming mga istasyon. Ngunit alalahanin po natin na ang pinaka-hangarin ng mga may-ari ng mga istasyong ito ay pagkita ng salapi, isang hangarin na pinaghahati ng bawat kumpanyang panghihimpapawid. Anumang “marami” at nagkakaibang tinig na nadudulot ng maraming mga istasyon ay katunaya’y “iisang” tinig na nakakalat sa iba’t ibang mga istasyon. Parehong uri ng mga umagang palabas, tanghaliang palabas, mga teleserye sa hapon at gabi ang napapanood sa ating mga TV. Parehong uri ng tugtugin din ang naririnig sa ating mga radyo. Pagkita ng salapi ang pangunahing layunin ng pribadong istasyon ng TV at radyo, at ang paghahain ng mga palabas na ang tanging atas ay aliwin tayo mula sa ating kasalukuyang sitwasyon ang pangunahing paraan para matamo iyon.

Ngunit maaari mong sabihin, hindi rin ba nakaatas sa mga pribadong istasyon ang pagbibigay ng lingkod-publiko? Hindi ba ito nakikita sa mga serbisyong pampublikong bahagi ng mga alas-6 na mga balita? Hindi ba may mga palabas sa radyo at telebisyon na nakaukol sa pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan? Totoo man na ginagawa ito ng mga istasyon, kahit na may mga taos-pusong layunin ang mga gumagawa nito, tandaan na ang pagsuporta sa istasyon – na maraming mga tao ang may utang na loob sa kanila para sa kanilang ginhawa’t kabuhayan – ay isang bunga ng pagbibigay-tulong.

Tandaan din na kasama sa pampublikong serbisyo ang pagbibigay kaalaman sa madla tungkol sa iba’t ibang mga bagay, tungkol man sa kasaysayan, sining, o sa mga alternatibong pananaw sa buhay. At sa larangang ito’y lubhang mababa ang grado ng mga pribadong istasyon. Ang ganitong klase ng mga programa’y kadalasang bumabagsak sa mga oras na halos walang makakanood ‘liban lang sa mga puyat.

Sa madaling salita, hindi “buong” mabibigay ng mga pribadong istasyon ang serbisyong pampubliko na kailangan ng mga mamamayan ng Filipinas.

Ang tanging paraan para rito ay ang pagkakaroon ng isang pampublikong istasyong radyo at telebisyon sa Filipinas.

Una sa lahat, hindi po matatawag ang PTV-4 at PBS (Philippine Broadcasting Service) na mga pampublikong istasyon sapagkat sila’y mga ahensiya ng pamahalaan kung tutuusin, pinapalabas ang gustong ipalabas ng pamahalaan, kahit na may mga tungkulin sa publiko at kawalang kinikilingan rin ang mga ito. Ang ibig kong sabihin ng pampublikong istasyon ay ang tulad sa BBC sa Britanya, NHK sa Hapon o RTVE sa Espanya. Hindi sangay ng pamahalaan ang pampublikong istasyon o korporasyong panghimpapawid. May sariling itong pinagkukunan ng pondo na maaaring manggaling sa anumang direksyon, mula man sa pamahalaan, espasyo para sa patalastas, o sa mga lisensya sa mga radyo’t TV tulad sa Britanya. May kasarinlan ito pagdating sa pamamahayag at pagpapalabas. At higit sa lahat, hindi salapi o pagkakaroon ng maraming manonood ang layunin ng pampublikong korporasyong panghimpapawid, kundi ang interes ng bayan. Tulad ng motto ni John Reith, ang unang direktor-heneral ng BBC, “magturo, magpaalam, mang-aliw.” Tungkulin ng pampublikong istasyon ang magbigay-alam tungkol sa mga bagay na hindi kadalasang maririnig sa mga pribadong istasyon. Tungkulin din ng pampublikong istasyon ang pagkakaisa ng bansa at pagbibigay-tinig sa mga minoriyang bahagi ng lipunan.

Ngayong Araw ng Kalayaan, tandaan po natin na hindi lang pulitika at ekonomiya ang naghihintay ng kalayaan. Makikita rin ito sa mga bagay na hindi natin kadalasang binibigyan ng madiing pagtingin. Tulad sa ating mga pinapanood at pinakikinggan.


Dalawang tulang Tagalog

12 Apr 2013

Ang Ating Identidad

Wala sa mga sambahan ni Krishna
Sa mga batong kastilyo ng mga Normando
Sa palda at pipa ng mga Eskose
Sa harang na dambuhala ni Qin Shi Huang
Sa mga hukbo ni Karloman
O paglilingkod ng mga bushi.
Hwarang? Tigilan mo na ako.
Sa mga bandera at awit
Wala rin.
Kahit pa si Atahualpa at Osmano
Walang maambag dito.

Hindi sa espadang pilak
Kundi sa harang ng itak.
Wala sa kariktan ng palacio
Pero sa pagod ng katawan.
Mahalaga man, kalinangan
Sa ating nakaraan at ngayon
Laban at revolucion naging kolumna natin.
Huwag mainggit sa civilizacion
Kontra sakim, pang-aapi, daya
Pagkakilanlang lahat.

Basta’t siguro’y huwag lang
Galing sa naka-“top hat” at mahabang balbas.

Maganda ang Bughaw na Liwanag

Dito sa madilim na silid
Tanging tumatagos sa bintanang tabas
Liwanag na bughaw.

Mga kaloobang dumadaloy
Sa langoy ng dagat.
Sumisingaw na dilim ng paligid.
Bughaw na puno ng kapaguran.
Mga alaalang sana’y ‘di mo pinaghawakan.
Walang alam sa kung ano’ng nasa ibayo
Ng mga bakod at tarangkahan.

Linalangoy, nililipad.
Daloy at lipad ng agos.
Walang katamisan o kagalakan.
Pait at asim
Kinikilabot at tinutunaw
Hatid ng malinaw na dagat,
Mahinahong hangin.
Ngunit.

Hindi makatakas.
Ayaw tumakas.
Suungin ay sariling gusto
Ang sa ilalim ng mga tubig
Sa ibabaw ng mga ihip.
O liwanag, imulat mo sa akin.
Aking dahas, gunaw
Pagnanasa ng katawan, isip, sarili.
Ang iyong asul ay pagpakita
Sa dumi sa puti.
Hindi ilaw, kundi gris,
Kagandahang bahid ng sala.

Sa silid na ito
Tanging bughaw ang madadatnan mo.
Huwag mo siyang katakutan.
Pagninilayan ang salaysay
At kahulugan ng buhay.


Ang mga makukulay na kandidato at ang tradisyon ng “mesianismo”

19 Oct 2012

Nakatutuwa man ang mga makukulay na kandidatong sinubukang tumakbo para sa Senado sa 2013, meron silang isang bagay na nararapat na bigyang-pansin: ang kanilang mga isinusulong.

Nakakatawa man ang ilang mga bagay sa kanilang mga plataporma, mula sa pagtatalaga ng mga “acting little president” sa Luzon, Visayas at Mindanao hanggang sa pagbibigay-kulay sa lahat ng Filipino (parang GMA, na pinagkuhanan ng mga “link” sa talang ito), isang bagay na maaaring matuklasan sa karamihan sa mga plataporma nila ay ang kagustuhan na matamo ang isang ideyal na lipunan, kung saan walang katiwalian, lahat may kaayusan at kasaganaan. Sa wika ni Daniel Magtira (na hindi ko pa po nakakalimutan ang nakaraang tangka niyang tumakbong presidente mga ilan taong nang nakakaraan bago ako napunta sa Kanada), “Ang aking sinusulong na batas ay pantay-pantay at patas para sa bawat isa sa atin.”

Tagapagmana ang mga makukulay na kandidatong ito, o ang karamihan sa kanila, sa tradisyong pulitikal na “mesianismo” sa Filipinas. Sa kanilang sariling paraan, itinutuloy nila ang isang tradisyong nagsimula marahil sa mga naunang pag-aalsa sa Sangkapuluan, inabot ang tuktok sa himagsikang sinimulan ng Katipunan, at nagpatuloy sa mga pag-aalsa ng mga sektang Colorum noong mga unang taon ng pananakop ng Estados Unidos. Kalakip ng tradisyong ito ang pagtatatag ng isang bansang ganap na malaya, maunlad at pantay-pantay ang bawat mamamayan nito, at iwinaksi o inalis ang bawat kasamaan. Tunay nga po talagang “mesianiko” ang tinatanaw. At hindi rin po kailangang pagtawanan.

Kinakatawan ng tradisyong mesianiko ang layunin o pangarap na pagtatag ng isang bayang may katarungan, kaayusan, kabutihan para sa lahat, at kaunlaran. Nararapat na ipagpatuloy na matamo ang mga adhikain ng mga makukulay na kandidato, kahit sila mismo ay ‘di makapapasa sa pagsasalang ng Comelec.


Ang dilema ng pagiging pulitikal at Filipino sa ibayong dagat

23 Feb 2012

Sasabihin ko sa inyo ang isang problemang hindi ko pa nasulat sa anumang papel o nasabi sa kaninuman.

Ako ay taong pulitikal. May hilig ako sa mga bagay o isyung pulitikal. Sa’n ba ‘to nagsimula? Nagsimula muna sa hilig sa SIBIKA at HEKASI, o mas tiyak sa kasaysayan ng Filipinas, o mas lalong tiyak sa Himagsikan ng 1896 – may hilig rin ako, kung hindi man mas mataas at matinding hilig, sa kasaysayan ng Filipinas, at hindi ko na kailangang ulitin pa sa inyo kung anong mas tiyak pa doon. Ang pagkahilig na ito sa kasaysayan natin ay dinagdag ng aking regular na pagbabasa ng diyaryo sa silid-aklatan sa paaralan. Doon ako namulat – o nakita ko – sa ating kalagayan, ng ating bansa sa mga nanggugulo dito at rito, ang kundisyong kasalukuyan nito, ang kahirapan nito at ang reputasyon nito sa buong mundo. Doon, o mas maganda noon, nabuo sa akin ang isang kaisipan, ideya, na palayain ang Filipinas itaas ang Filipinas sa kanyang mataas na posisyon sa daigdig. Itaas siya mula sa kaniyang mababang posisyon at itaas siya sa mas mataas at mas gagalangin na posisyon o kalagayan sa daigdig. Ito’y isang ideya na, sa itaas o ibaba, nanatili o sinubukan kong panatilihin sa akin mula noong mga “high school” na araw ko sa Filipinas hanggang sa mga araw ko rito sa Kanada, sa loob ng mga iba’t ibang pangyayari at disgrasya sa buhay, at ano pa.

Ngayon, ang ganitong kagustuhan na ilagay ang Filipinas sa kinalalagyang mas gagalangin siya ng mga ibang bansa ay mangingibig-sabihing maglunsad at magsulong ng isang kampanya o pagkikilos para dito. Para sa isang aalis sa HS at pupunta ng unibersidad, ito’y mangingibig-sabihing simulan ito sa iilang kapwa-estudyante sa pamantasan. Napigil ito ng paglagpak sa pasukang pagsusulit (“entrance exam”) at mga maling desisyon – dahil dito’y sumama ako sa pagpunta sa Kanada kasama ang pamilya ayon sa kasunduan. Ngayon ang krux ng sanaysay na ito na walang binigyang “talagang” direksyon – sa abot ng aking makakaya na gawin at tuparin iyon. Mahirap ang maging Filipino at pulitikal dito sa British Columbia sa Kanada. Walang masyadong interes ang mga Filipino rito sa pagkilos pulitikal sa Filipinas. Pwedeng mali ako rito pero sinasabi ko lang ang sa tingin ko’t nakikita ko’y ganuon. Hindi nakakagulat na ang pangunahing hangarin ng mga Filipino rito sa BC, tulad ng sa mga Filipino sa ibang panig ng daigdig, ay makuha at maabot ang isang magandang buhay para sa kanila at sa kanilang mga mag-anak (sabihin nilang para ito sa kanilang mga pamilya, pero siyempre para din sa ikagagaling o “improvement” ng kanilang kalagayan para sa sarili, walang masama doon). Karaniwan, oo, ang pag-uusap tungkol sa nangyayari sa iniwang Bayan, ngunit ito’y magtatapos kadalasan sa isang kumpas ng kamay at isang pahiwatig, parehong halata o ‘di-halata, na talagang masama na talaga ang kundisyon sa Filipinas at mas mabuti dito sa Kanada – muli, walang mali sa ganoon, karaniwan na iyong nangyayari. Ngayon pwedeng mali ako rito dala ng hindi masyado o lubhang pag-uusap sa mga Filipino rito – ngunit kung tutuusin, iyan ang mangyayari kung hindi ka masyadong lumalabas at maaliw sa asul ng langit at liwanag ng araw. Mas makakarinig ka ng pulitikal na usapin sa mga nakatatanda dito – sila na nagdala sa kanilang mga pamilya rito para sa inaasam na maginhawang buhay. Sa mga nakababata, wala masyado, kundi man wala, dahil sa ibang bagay. Ang tanging mga pulitikal na organisasyon dito na may kinalaman sa Filipinas ay mukhang may pagka-kaliwang orientasyon. Dala ng mga nabanggit na ito, ang tanging lugar sa British Columbia na pwede kong pag-usapan ng malaya o “OK” ang aking mga pulitikal na pala-palagay ay dito sa blog na ito at sa ibang mga lugar sa Internet, kung sila’y meron.

Ang mga tanging paraan para lumahok sa mundong pulitikal dito bilang Filipino ay ang sumali sa iba’t ibang mga pagkilos na may kaugnayan sa mga mahahalagang “issue” para sa mga Filipino tulad sa mga “caregiver”, na kung saan wala akong interes, o sumama sa aktibidades ng mga pagka-kaliwang grupong Filipino dito marami ay nakakonekta sa mga unang binanggit na pagkilos at siguro’y asahan na pwede kang makagawa ng pagbabago sa loob, na hindi ko pa naiisip na gawin ngayon at ewan kung gagana ba o hindi ka maaapekto sa iyong maririnig at makikita at makikisalamuha. Meron din ang pagsali sa mga kooperatiba – may isang itinayong kooperatiba dito sa Vancouver at kailangan ko pang makagawa ng isang aksyon doon, kung gagawin ko bang ipasok ang aking paa doon o magpadala ng “email” sa kanila ukol sa kung anong maaaring maibigay ko roon. Meron din yung pagkonekta sa iyong mga paniniwalang pulitikal sa kung anong paniniwalang pulitikal dito sa Kanada na mas malapit sa iyong mga pinaninindigan, kahit gaano kalayo ang maaaring kuneksyon dito. Ito ginagawa ko ngayon, kumukonekta at tumitingin – ngunit tinatangging sabihin nang bukas kahit sa sarili na talagang kaisipan ko ito, kung ganon man – sa “Red Toryism” Ilan sa mga “link” sa kanang bahagi ng blog na ito, sa hanay na “Canada” ay “Red Tory”.

Iyan nasabi ko na sa wakas ang isang bagay na matagal nang hindi nasasabi o nasulat at iilang beses na pinagbukas ang pagsusulat dito. Ganito talaga, ang aking kinalalagyan dito, pero pwedeng magbago.