Buháy na país, búhay ng país: isang makabansang pagsusuri sa apat na gawa ni Tonel

12 Oct 2013

Constructivo. Mula sa/Courtesy of Cuban Art News

 

Maraming mga nasabi at maaaring sabihin tungkol sa mga gawa ng Kubanong pintor at iskultor na si Tonel. Isang komentaryo sa machismo at kasarian, sa kapitalismo at mga epekto nito sa daigdig at mga lipunan nito. Karamihan sa mga kuru-kurong ibinigay sa kanyang mga gawa ay maaaring tawaging progresibo, o pagtutol sa mga mapang-aping sistema ng kasalukuyang daigdig, maski ito’y Kapital, rasismo o seksismo. Ang isang uri ng pagsusuri na sa tingin ko’y hindi pa ginagamit sa pagtingin sa kanyang mga obra ay ang uring makabansa.

Hindi kailangang mangahulugan na dapat patungkol sa bansa o kung paano pinupuri at dinadakila ang bansa ng isang pinta o lilok ang isang makabansang pagsusuri. Maaari ding mangahulugan ito na obserbasyon at eksaminasyon sa mga katangiang positibo at negatibo ng bansa na pinapakita ng gawa, isang kritika sa mga hindi kasiya-siyang aspeto ng bansa at, kung kasama rin sa obra, mga mungkahi o isang ideal bilang lunas sa mga aspetong iyon. Sa maikling salita, layunin ng makabansang pagsusuri ng isang obra ang tingnan ang mga natatangi’t iba’t-ibang bahagi ng isang bansa, mabuti at masama, na kinakatawan ng obra at alamin kung anong komento tungkol sa bansa ang ibinibigay ng obra, kung meron.

Susuriin ng pagsusuring ito ang apat sa mga gawa ni Tonel. Ito ay ang Constructivo (“Konstruktibo,” 1994/2012), Mucho color (“Masyadong maraming kulay,” 1992/2012), Pais deseado (“Bansang nais,” 1994/2012) at Error de la estrella (“Pagkakamali ng bituin,” 2012). Pinapakita ng mga obrang ito ang mga positibo’t negatibong aspeto ng bansa, nasyonalismo nito at mga bunga nito, pareho sa mga kontekstong Kubano at ng ibang mga bansang kabilang sa tinatawang na papaunlad na daigdig.

Mas napapakita ng Constructivo ang mga katangian ng nasyonalismo. Isang bloke ng semento na pininturahan ng mga kulay ng bandilang Kubano at kontra sa blangkong pader. Sa unang tingin, nangangahulugan ito ng pagkakatangi ng Kuba, na tumatayo ang mga kulay nito laban sa kawalang panlahat ng iba, at sa gayo’y hindi nakikisama sa pagkakaraniwang iyon. Ang katunayan na “matibay” ang uri ng bandila ay kumakatawan din sa pagkatibay ng pagkakakilanlang Kubano. Ngunit kung titingnan sa ibang dako, may malungkot din itong kahulugan. Matibay nga ang identidad at hindi nahahalo sa iba’t nawawala, ngunit ang kalalabasan nito’y pag-iisa. Ang mapilit at malakas na pagpapanatili ng identidad at kasarinlan laban sa pwersang mapagpareho, sinisimbolo ng blokeng sementong nakahilig (o kontra) sa malawak na kawalan, ay humahantong sa pagiging blokeng nag-iisa, naiiba nga pero walang mga kasama.

Tinututok naman ng Mucho color ang mga ilaw nito sa mga kadalasang pananaw ng Kanluran, partikular sa Hilagang Amerika, tungkol sa Kuba. Mapanuya ang instalasyon sa kahulugan nito at mga tinatamaan nito. Masyadong maraming kulay nga ang napapakita ng Kuba – mga kulay na binubuo ng pulang kupas o buo at halos hindi-makitang krokis ng isla. Nakaturo ang ilaw sa imahe ng Kuba, pero sa katotohanan ay nakaturo ito sa tumitingin at kanyang mga nabuo nang mga pananaw. Pinapakita ng gawa ang mali, hindi-buo at estereotipikong mga pananaw natin tungkol sa Kuba, at pati rin sa mga ibang bansa sa papaunlad na daigdig. Ngunit tinututok din ng gawa ang mga ilaw nito sa Kuba. Meron ba kayang mga kilos o asta na nagpapanatili lang sa maling imahe? Meron kayang ginagawa ang mga Kubano para maalis ang estereotipo?

Pinakapositibo sa lahat ng mga gawa dito ni Tonel ang Pais deseado, pareho sa Kubang pinapakita nito at sa kalagayan ng larawang pinapakita. Iba’t ibang mga lilok, pigurin at obra ng mga bihasang artisano ang bumubuo sa mapa ng Kuba at ang pamagat ng gawa. Hindi lang nito pinapakita ang dibersidad ng Kuba kundi pati ang katatagan ng dibersidad na ito at ang pagmamalaki nito ng mga tao. “Ito kami,” sabi ng mga Kubano, “at ipinagmamalaki namin ito at hindi ito ipagpapalit sa anuman!” Pinapakita rin ng proyekto at ng katotohanang nagtulung-tulong si Tonel at mga artisano sa paggawa nito ang kolaboratibong kalikasan ng pagkakakilanlang Kubano.

Bumabalik sa tema ng mga maganda’t masamang nadudulot ng nasyonalismo ang Error de la estrella. Kadalasang iniuugnay ang mga bituin sa mga kaisipan ng pangarap at mas magandang bukas. Sa kaso ng ilustrasyong ito, kumikislap nga ang mga bituin, ngunit isa sa kanila’y sinugatan ang nakalarawang ulo ng tao. Higit pa, may mapanganib na katangian ang mga bituin. Pinapakita dito na maaaring maging isang maganda’t maliwanag na gabay tungo sa mas magandang bukas ang nasyonalismo, ngunit pwede rin nitong sugatan ang nanininiwala dito. Maaari itong magdala ng mga trahedya sa tao at humimok sa tao na gumawa ng mga trahedya sa iba. Mapanuya nga ang obrang ito sa kahulugang kung anong mabuti ay maaari ding magdala ng masama.

Mula sa isang makabansang perspektibo, itinatanghal ng mga gawa ni Tonel ang maganda’t pangit sa isang bansa at sa ideya ng nasyonalismo. Kung meron mang payo na pwedeng ibigay ang mga gawang tinalakay rito, ito ay ang pangangailangan na maging maingat at normal – hindi jingo – sa pagtingin sa ating mga bansa’t nasyonalismo.

 


Dalawang tulang Tagalog

12 Apr 2013

Ang Ating Identidad

Wala sa mga sambahan ni Krishna
Sa mga batong kastilyo ng mga Normando
Sa palda at pipa ng mga Eskose
Sa harang na dambuhala ni Qin Shi Huang
Sa mga hukbo ni Karloman
O paglilingkod ng mga bushi.
Hwarang? Tigilan mo na ako.
Sa mga bandera at awit
Wala rin.
Kahit pa si Atahualpa at Osmano
Walang maambag dito.

Hindi sa espadang pilak
Kundi sa harang ng itak.
Wala sa kariktan ng palacio
Pero sa pagod ng katawan.
Mahalaga man, kalinangan
Sa ating nakaraan at ngayon
Laban at revolucion naging kolumna natin.
Huwag mainggit sa civilizacion
Kontra sakim, pang-aapi, daya
Pagkakilanlang lahat.

Basta’t siguro’y huwag lang
Galing sa naka-“top hat” at mahabang balbas.

Maganda ang Bughaw na Liwanag

Dito sa madilim na silid
Tanging tumatagos sa bintanang tabas
Liwanag na bughaw.

Mga kaloobang dumadaloy
Sa langoy ng dagat.
Sumisingaw na dilim ng paligid.
Bughaw na puno ng kapaguran.
Mga alaalang sana’y ‘di mo pinaghawakan.
Walang alam sa kung ano’ng nasa ibayo
Ng mga bakod at tarangkahan.

Linalangoy, nililipad.
Daloy at lipad ng agos.
Walang katamisan o kagalakan.
Pait at asim
Kinikilabot at tinutunaw
Hatid ng malinaw na dagat,
Mahinahong hangin.
Ngunit.

Hindi makatakas.
Ayaw tumakas.
Suungin ay sariling gusto
Ang sa ilalim ng mga tubig
Sa ibabaw ng mga ihip.
O liwanag, imulat mo sa akin.
Aking dahas, gunaw
Pagnanasa ng katawan, isip, sarili.
Ang iyong asul ay pagpakita
Sa dumi sa puti.
Hindi ilaw, kundi gris,
Kagandahang bahid ng sala.

Sa silid na ito
Tanging bughaw ang madadatnan mo.
Huwag mo siyang katakutan.
Pagninilayan ang salaysay
At kahulugan ng buhay.