“Nada,” pero meron pa: isang pagsusuri sa pelikula ni Juan Carlos Cremata Malberti

12 Sep 2013

Mula sa/Courtesy of fandor.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa ilalim man ng diktadurya o demokrasya, masasabing ang karanasan ng tao sa modernong panahon ay kasing-kulay ng itim-at-puti o gris na pelikula. Araw-araw tayo’y naglalagay ng mga selyo sa mga sobre na parang mga makina o robot. Tanging libangan natin pagkatapos ng nakakaantok at nakayayamot na gawain ay panoorin ang nakasisigla’t walang-lamang payo ng sikat na psikologo sa telebisyon, o hintayin ang koreo na mag-aalis sa atin mula sa ating walang-buhay na eksistensiya. Sa ganitong klaseng buhay, maaaring tayo’y sumuko sa itim-at-puti na buhay o pilitin natin, sa abot ng ating makakaya, na bigyan ito hindi lang ng kulay kundi pati na rin ingay at ganda. Tulungan at palakasin ang loob ng mga nanghihina, sa pamamagitan ng ating mga salita. Bigyang himig, luha o guhit ng krayola ang mga gris na pader. Mga usok, pagsabog, kaartehan at mga eksenang wala sa lugar na pumuputol sa palagiang maayos at nakayayamot na daloy ng kwento. Ang pangangailangan ng paggawa ng kabutihan at kagalakan sa isang daigdig na hindi mabuti o may galak – ng pagbabago sa isang walang-kilos na mundo – ang pangunahing tema ng pelikulang Nada (“Wala”) ng Kubanong direktor na si Juan Carlos Cremata Malberti, na parehong makikita sa mga tauhan, kuwento at istilo ng pelikula.

 

Isang karaniwang empleyada sa isang opisinang postal sa Habana si Carla Perez. Ang tanging trabaho niya bawat araw ay magtatak ng selyo sa mga sulat na ipapadala sa kanilang mga destinasyon. Tanging libangan niya mula sa nakayayamot na trabahong ito ang psikologong nagbibigay ng magandang payo sa telebisyon – o telebisyon sa kalahatan – at paghihintay sa bisa na magdadala sa kanya sa Estados Unidos. Isang aksidenteng pagtatak ng kape sa isang sulat ang magbabago sa buhay niya. Nang matuklasan niyang sulat ito ng pamamaalam sa isang propesor ng dati niyang estudyante at karelasyon – na sa tingin ni Carla’y hindi maganda o positibo – dinesisyon niya na gumawa ng pekeng bersyon ng sulat, gayahin ang istilo ng pagsusulat ng orihinal, mas positibo ang tono kaysa sa orihinal, at ito ang ipadala sa tatanggap. Sa ‘di-boluntaryong tulong ng kartero at katrabahong si Cesar, sinubukan ni Carla na gawing mas mabuti ang buhay ng mga tao sa lungsod sa pamamagitan ng kanyang mga pekeng sulat. Ginawa niya ito sa kabila ng ilang mga balakid, kasama na ang tiranang tagapangasiwa ng opisinang postal, isang kapitbahay na walang pinag-uusapan kundi ang kanyang buhay, isang ‘di-inasahang bunga ng kanyang gawain sa sikat na psikologo, at ang patuloy na paghihintay para sa bisa.

Makikita sa dalawang pangunahing tauhan ang tema ng pagbabago. Sa kanilang dalawa, si Cesar ang nagsisilbing koneksyon ng mga manonood sa pelikula. Sa kanyang kawalang-interes at gusto na sumali sa raket ni Carla, kinakatawan ni Cesar ang karaniwang tao sa modernong lipunan, na mas iintindihin ang sariling mga gawain kaysa lumahok sa pagbabago sa kanilang kinagagalawan. Isa pang patunay sa ginagampanan niyang papel ang madalas niyang pakikinig sa “player” niya sa mga una niyang eksena, komportable sa sarili niyang daigdig, komportableng walang nababatid sa paligid niya; maaaring isama rin dito ang kanyang reaksyong sinikal sa naging bunga ng pekeng sulat sa psikologo. Sa kabilang dako, kinakatawan ni Carla ang pangarap ng karaniwang tao na makagawa ng pagbabago sa paligid niya. Makikita ito sa simula pa ng pelikula sa pamamagitan ng kanyang itsura – sa ayos ng kanyang buhok at pananamit – na ibang-iba sa karamihan ng tao doon. Patunay rin sa kanyang mapagbagong pagkatao ang hindi niya pagtanggap sa kanyang sitwasyon at kagustuhang umalis sa kanyang lugar, kumpara sa iba na sa karamiha’y tanggap ang kanilang kinalalagyan sa buhay. Buong lakas niya’y binigay niya sa gawain ng pamemeke ng sulat nang pinasok niya ito. Makikita ito sa eksaktong pagkopya niya sa istilo ng pagsusulat at kung anong uri ng “pagtutuwid” ang ginawa niya sa mga sulat. Dagdag pa sa katunayan ng kanyang pagiging mapagbago ang pagkakatwa ng kanyang mga kilos. Isang magandang halimbawa ang pagtawa niya sa insidente ng “feedback” ng mikropono sa pagtitipon ng mga empleyado ng koreo, nang tapos na ang iba sa pagtawa. Sa huli, mismong “pagbabago” ang nagbago sa mga tauhan. Naimpluwensiya ni Carla si Cesar na gumawa ng kanyang sariling pagbabago sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap sa pagsusulat. Ang pagdating sa wakas ng kanyang bisa ay nagdulot kay Carla na tuluyang lisanin ang Habana at wakasan ang kanyang panahon ng pamemeke ng sulat. Sa mismong katangian ng dalawang tauhan at ang tugon nila sa kanilang mga aksyon at mga aksyon sa kanila, makikita ang kahalagahan ng tema ng pagbabago sa pelikula.

Deretso ang kwento pagdating sa pagtalakay sa tema. Layon ng dalawang bida na magbigay kulay at buhay sa kanilang lungsod sa pamamagitan ng mga pekeng sulat, at nandiyan ang mga pwersa ng reaksyon para pigilin ang pagtagumpay ng mga bida at panatilihin ang kasalukuyang ayos ng mga bagay. Nangunguna sa kanila ang tiranang si Cucha Cervera, ang bagong tagapangasiwa ng opisinang postal na pinagtratrabahuan nina Carla at Cesar. Mukhang walang ibang hangad si Cucha kundi ipamukha sa bawat empleyado sa opisina kung sino ang boss at ipataw ang kanyang mga gusto doon. Sina Carla at Cesar, mga alagad ng pagbabago sa opisina, ay mga panganib sa kanyang plano na panatilihin ang kaayusan ng opisina, o kung tutuusi’y lalong paghihigpit ng kaayusang iyon. Isa pang kinatawan ng mga naghahari sa kasalukuyang sistema, na dapat ipunto dito, ay ang mga ‘di-makitang kapangyarihan sa likod ng hindi-agarang pagproseso ng bisang papasok kay Carla. Kung kinakatawan nina Cucha Cervera at ng mga nasa likod ng bisa ang mga pinuno ng kasalukuyang kaayusan, kinakatawan naman ng ibang mga kontrabida, sa kanilang sariling paraan, ang mga biktima nito. Matatawag na kontrabida ang kanang-kamay ni Cucha na may ‘di-karaniwang problema, dahil aktibo siyang tumutulong sa mga balak ng boss niya, at ang madaldal na kapitbahay ni Carla, dahil ang pagpapakita niya ay laging nangangahulugan ng sakit sa ulo, o tulog, para sa bidang babae. Sila’y mga biktima ng sistema sapagkat wala silang tiyak na ginagawa para malutas ang kanilang mga problema na maaaring bigay ng sistema: mukhang tanggap ng kanang-kamay ang kanyang kondisyon, samantalang hanggang daldal lang ang ginagawa ng kapitbahay bilang lunas sa kanyang mga problema. Ang kwento ng Nada ay ang laban sa pagitan ng mga pwersa ng may-buhay na pagbabago at mga pwersa ng patay na sistema.

Bukod sa mga tauhan at kwento, makikita ang pagdidiin sa tema ng pagbabago sa istilo ng pelikula. Hindi nababagay ang Nada para sa manonood na gusto ang mga pelikula niya’y klaro at normal ang daloy at itsura. Pinalalamutian ng mga makukulay na guhit ng kidlat at pagsabog ang itim-at-puti na pelikula. Hindi “normal” sa karaniwang kahulugan ang pagganap sa ilan sa mga tauhan, tulad ng naunang tagapangasiwa na “esplosibo” ang pamamahala sa opisina at ang nakakalokang babaeng bantay ng opisina niya. Ang pagpapakita ng panloob na monologo ni Carla ay ipinapakita sa paraang nakagigitla at nakakagising sa manonood. Pinapakita ang iba’t ibang mga uri ng pelikula, tulad ng drama at komedya, katabi sa bawat isa sa paraang mahihirapan ang manonood na tingnan sila sa lohikong pamamaraan. Isang kuwadro sa uring pelikulang-tahimik ang nag-uulit sa sinabi ng isang tauhan, isang kasangkapang pangatog sa manonood mula sa kanyang pasibang panonood. Ang hindi maayos at regular na istilo ng pelikula, kasama ang mga eksenang pumuputol sa normal na pagtakbo ng kwento, ay sadyang dinisenyo para ipaalala sa mga manonood sa “tunay na oras” ang tema ng pagbabago.

Sa mga tauhan, kwento at ayos ng pelikula, hinahatid ng Nada ang mensahe ng pangangailangan na makagawa ng magandang pagbabago sa lipas na paligid. Hindi ito kailangang maging malaki o rebolusyonaryo; kahit mga simpleng gawa tulad ng pagbibigay-ngiti sa kapwa tao ay naglulunsad ng mga malalaking saluysoy sa lawa. Sa kanilang sariling at maling paraan, pinapakita ng mga bida ng Nada ang kahalagahan ng diwang mapagbago sa araw-araw sa mundong ating kinagagalawan.

 


Ang kahalagahan ng pampublikong paghihimpapawid para sa Filipinas

12 Jun 2013

Mula sa squidoo.com

Ngayon ay isa na namang anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Pilipinas ni Pang. Emilio Aguinaldo noong 1898. Maraming mga maaaring sabihin ukol sa kalagayan ng kalayaang Filipino ngayon. Nandyan ang kadalasang sinasabi na kalayaang pormal ngunit dominasyong kolonyal sa pulitika, ekonomiya at kultura. Nandyan din ang banta ng rehiyonalismo at pagkalalawiganin sa pagkakaisa ng bansa, at isang balakid sa tuluyuang kaunlaran. Napag-uusapan din naman ngayon ang banta ng Republikang Bayan sa Spratlys/Kalayaan bilang pagsubok at ang pag-unlad ng ekonomiya bilang tanda ng kasarinlan ng Filipinas. At siyempre, hindi rin mawawala ang tungkol sa dominasyong ng iilang pamilya sa pulitika, ekonomiya, lipunan at kahit kultura sa Sangkapuluan.

Isa na rito ang larangan ng pamamahayag at panghihimpapawid.

Hindi po kaila sa mga Filipinong walang mga milyon na ang mga pahayagan at karamihan sa mga istasyon ng radyo at telebisyon ay pribado. Hawak ng iilang mga pamilya o tao ang mga nangungunang istasyong radyo at telebisyon – nangunguna diyan ang mga Lopez at ABS-CBN, ngunit hindi rin maitatanggi ang mga Gozon sa GMA-7 o si Manny Pangilinan sa TV5. Ang ultimong pagtatanggol sa pagkakaroon ng mga istasyong pribado ay kumpetisyon, nababagay sa sistema ng malayang kalakalan, maraming mga tinig dulot ng maraming mga istasyon. Ngunit alalahanin po natin na ang pinaka-hangarin ng mga may-ari ng mga istasyong ito ay pagkita ng salapi, isang hangarin na pinaghahati ng bawat kumpanyang panghihimpapawid. Anumang “marami” at nagkakaibang tinig na nadudulot ng maraming mga istasyon ay katunaya’y “iisang” tinig na nakakalat sa iba’t ibang mga istasyon. Parehong uri ng mga umagang palabas, tanghaliang palabas, mga teleserye sa hapon at gabi ang napapanood sa ating mga TV. Parehong uri ng tugtugin din ang naririnig sa ating mga radyo. Pagkita ng salapi ang pangunahing layunin ng pribadong istasyon ng TV at radyo, at ang paghahain ng mga palabas na ang tanging atas ay aliwin tayo mula sa ating kasalukuyang sitwasyon ang pangunahing paraan para matamo iyon.

Ngunit maaari mong sabihin, hindi rin ba nakaatas sa mga pribadong istasyon ang pagbibigay ng lingkod-publiko? Hindi ba ito nakikita sa mga serbisyong pampublikong bahagi ng mga alas-6 na mga balita? Hindi ba may mga palabas sa radyo at telebisyon na nakaukol sa pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan? Totoo man na ginagawa ito ng mga istasyon, kahit na may mga taos-pusong layunin ang mga gumagawa nito, tandaan na ang pagsuporta sa istasyon – na maraming mga tao ang may utang na loob sa kanila para sa kanilang ginhawa’t kabuhayan – ay isang bunga ng pagbibigay-tulong.

Tandaan din na kasama sa pampublikong serbisyo ang pagbibigay kaalaman sa madla tungkol sa iba’t ibang mga bagay, tungkol man sa kasaysayan, sining, o sa mga alternatibong pananaw sa buhay. At sa larangang ito’y lubhang mababa ang grado ng mga pribadong istasyon. Ang ganitong klase ng mga programa’y kadalasang bumabagsak sa mga oras na halos walang makakanood ‘liban lang sa mga puyat.

Sa madaling salita, hindi “buong” mabibigay ng mga pribadong istasyon ang serbisyong pampubliko na kailangan ng mga mamamayan ng Filipinas.

Ang tanging paraan para rito ay ang pagkakaroon ng isang pampublikong istasyong radyo at telebisyon sa Filipinas.

Una sa lahat, hindi po matatawag ang PTV-4 at PBS (Philippine Broadcasting Service) na mga pampublikong istasyon sapagkat sila’y mga ahensiya ng pamahalaan kung tutuusin, pinapalabas ang gustong ipalabas ng pamahalaan, kahit na may mga tungkulin sa publiko at kawalang kinikilingan rin ang mga ito. Ang ibig kong sabihin ng pampublikong istasyon ay ang tulad sa BBC sa Britanya, NHK sa Hapon o RTVE sa Espanya. Hindi sangay ng pamahalaan ang pampublikong istasyon o korporasyong panghimpapawid. May sariling itong pinagkukunan ng pondo na maaaring manggaling sa anumang direksyon, mula man sa pamahalaan, espasyo para sa patalastas, o sa mga lisensya sa mga radyo’t TV tulad sa Britanya. May kasarinlan ito pagdating sa pamamahayag at pagpapalabas. At higit sa lahat, hindi salapi o pagkakaroon ng maraming manonood ang layunin ng pampublikong korporasyong panghimpapawid, kundi ang interes ng bayan. Tulad ng motto ni John Reith, ang unang direktor-heneral ng BBC, “magturo, magpaalam, mang-aliw.” Tungkulin ng pampublikong istasyon ang magbigay-alam tungkol sa mga bagay na hindi kadalasang maririnig sa mga pribadong istasyon. Tungkulin din ng pampublikong istasyon ang pagkakaisa ng bansa at pagbibigay-tinig sa mga minoriyang bahagi ng lipunan.

Ngayong Araw ng Kalayaan, tandaan po natin na hindi lang pulitika at ekonomiya ang naghihintay ng kalayaan. Makikita rin ito sa mga bagay na hindi natin kadalasang binibigyan ng madiing pagtingin. Tulad sa ating mga pinapanood at pinakikinggan.