Kung bakit hindi pa rin ako boboto sa anumang halalang Filipino kahit posible’t may pagkakataon

15 Apr 2019

Wala sa mga kandidato ang problema.

 
Wala rin sa mga plataporma nila – o kawalan yaon.

 
Nasa “Sistema” ang problema.

 
Nasa isang “Sistemang” sakop ang pulitika, ekonomiya, lipunan, pati na rin ang kaalaman at aliwan ng bansang ito.

 
Nasa isang “Sistemang” ipinakilala sa Sangkapuluang ito noong paghahari pangangasiwa ni Tito Sam.

 
Nasa isang “Sistemang” dayuhan sa ating nakaraan, pamana, mga kaugalian at mga karanasan.

 
Nasa isang “Sistemang,” dahil ipinagkaloob ni Tito Sam, bahagi ng malawakang prosesong kung tawagin ay “globalisasyon.” Isang prosesong pinapatag ang kaisipan ng madla’t inaalis o inaamo ang anumang pagkakaibang tunay sa pagitan ng mga tao.

 
Hindi mahahanap, hindi matatamo sa ilalim ng “Sistemang” ito ang landas, ang susing tunay sa katubusan ng Perlas ng Silangan.

 
Ang tunay na pagbabago’t katubusan ng Filipinas ay mahahanap sa ating nakaraan at kinabukasan.

 
Sa ating nakaraang “halo-halo” o “mestiso,” bunga ng pagsalubong ng katutubo’t Kastila, na may kontribusyon din mula sa Intsik at ibang mga kulturang Europeo.

 
Sa ating nakaraang hinulma ng himagsikan at awtoridad, ng mga paniniwala ng karaniwang tao at ng mga prinsipyo ng “alta sociedad.”

 
Sa ating nakaraang sinira ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pero may mga anino’t mga multong nananatili pa rin at naghihintay na malantad, mga yamang nakabaon na naghihintay na mahukay.

 
Sa isang kinabukasang hindi ayon sa punto de vista ng demokrasya ng Agilang Kalbo, kundi tumatanggap ng mga impluwensiya mula sa ibang mga kultura ng daigdig, at hinuhubog sila ayon sa interes ng bansa, ayon sa naunang tradisyon.

 
Sa isang kinabukasang hindi ayon sa modelong maunlad ng anumang bansa, kundi ayon sa interes ng Sangkapuluan, ayon sa pamana ng Perlas ng Silangan, para sa mabuting kapakanan ng bayan.

 
Ang tunay na solusyon sa bansa ay nakatingin sa hinaharap, nakaugat sa nakaraan.

 
Ang tunay na solusyon sa bansa ay REBOLUSYON.

 
Ang tunay na solusyon sa bansa ay REBOLUSYONG PAMBANSA.


Pagkatapos ng halalan…

26 May 2013

Naipahayag na ang mga nagwagi, tinaas na ang kanilang mga kamay. May mga susunod sa proclamacion ng kumisyon. Meron namang maghahain sa mga hukuman ng mga kaso ukol sa mga bagay tulad ng pagbili ng boto, problema sa bilangan, problema sa PCOS, kuryente at kung anu-ano pa. Tiyak na mangyayari pagkatapos ng eleksyon ang paglilinis at pag-aalis sa dami-daming mga basurang dinikit sa mga dingding, sinabit sa mga linya ng kuryente, mga pinamahaging “sample ballot” at iba pa na ngayo’y wala nang silbi. Unti-unting hihina ang pag-uusap sa media tungkol sa halalan, kahit hindi mawawala ang pag-uusap tungkol sa pulitika. Ilang linggong lilipas bago manunumpa sa kanilang mga pwesto ang mga dineklarang nanalo.

At habang nangyayari ang mga ito at pagkatapos nito, mananatili ang mga basura sa kanilang kinaugaliang kinalalagyan. Maraming mga basura pa ang matatambak sa kung saan-saan. Patuloy ang trabaho ng mga nasa “call center” at ng mga nasa ibang bansa. Patuloy si manong sa kanyang pamamasada, sa paglilinis ng mga daan, o sa pagtitinda sa pamilihan. Patuloy ang pagtatayo ng mga panibagong gusali atbp. sa Kamaynilaan at sa mga lalawigan. Patuloy ang pagproprotesta. Patuloy ang contractualizacion. Patuloy ang pagdating ng mga bagyo at pagbuga ng mga bulkan, at ang mga kaakibat nilang sakuna. Patuloy ang mga pulis sa kanilang legal at di-legal na mga gawain. Gayundin sa mga ibang naglilingkod sa lahat ng mga sangay at antas ng pamahalaan. Patuloy ang mga pagpatay, sa ngalan ng pulitika o di-maipaliwanag na dahilan, marami hindi malulutas. Patuloy ang mga nangyayari sa Mababa’t Mataas na Kapulungan, nakatutulong man o hindi. Patuloy na mapapanood, maririnig at/o mababasa mo ang tungkol sa buhay artista, pulitiko o “celebrity.” Pati rin ang mga nakatutuwang balita mula ibang bansa. Patuloy ang pagpunta mo sa Facebook o Twitter. Patuloy ang pamamahala – at mga ugong-ugong sa sinong mga tatakbo sa 2016. Patuloy ang sistema na, sa lahat ng mga naging pagbago nito, mababakas sa panahong Amerikano.

Patuloy rin ang paghihintay ng Revolucion.


Ang mga makukulay na kandidato at ang tradisyon ng “mesianismo”

19 Oct 2012

Nakatutuwa man ang mga makukulay na kandidatong sinubukang tumakbo para sa Senado sa 2013, meron silang isang bagay na nararapat na bigyang-pansin: ang kanilang mga isinusulong.

Nakakatawa man ang ilang mga bagay sa kanilang mga plataporma, mula sa pagtatalaga ng mga “acting little president” sa Luzon, Visayas at Mindanao hanggang sa pagbibigay-kulay sa lahat ng Filipino (parang GMA, na pinagkuhanan ng mga “link” sa talang ito), isang bagay na maaaring matuklasan sa karamihan sa mga plataporma nila ay ang kagustuhan na matamo ang isang ideyal na lipunan, kung saan walang katiwalian, lahat may kaayusan at kasaganaan. Sa wika ni Daniel Magtira (na hindi ko pa po nakakalimutan ang nakaraang tangka niyang tumakbong presidente mga ilan taong nang nakakaraan bago ako napunta sa Kanada), “Ang aking sinusulong na batas ay pantay-pantay at patas para sa bawat isa sa atin.”

Tagapagmana ang mga makukulay na kandidatong ito, o ang karamihan sa kanila, sa tradisyong pulitikal na “mesianismo” sa Filipinas. Sa kanilang sariling paraan, itinutuloy nila ang isang tradisyong nagsimula marahil sa mga naunang pag-aalsa sa Sangkapuluan, inabot ang tuktok sa himagsikang sinimulan ng Katipunan, at nagpatuloy sa mga pag-aalsa ng mga sektang Colorum noong mga unang taon ng pananakop ng Estados Unidos. Kalakip ng tradisyong ito ang pagtatatag ng isang bansang ganap na malaya, maunlad at pantay-pantay ang bawat mamamayan nito, at iwinaksi o inalis ang bawat kasamaan. Tunay nga po talagang “mesianiko” ang tinatanaw. At hindi rin po kailangang pagtawanan.

Kinakatawan ng tradisyong mesianiko ang layunin o pangarap na pagtatag ng isang bayang may katarungan, kaayusan, kabutihan para sa lahat, at kaunlaran. Nararapat na ipagpatuloy na matamo ang mga adhikain ng mga makukulay na kandidato, kahit sila mismo ay ‘di makapapasa sa pagsasalang ng Comelec.